Sabado, Pebrero 25, 2017

Hustisya


Ang pamahalaan ang nagsisilbing tagabantay ng mga mamamayan mula sa mga masasamang elemento. Ang pamahalaan ang nagsisigurado na ligtas at payapa ang tinitirahan ng mga mamamayan. Nasa mga kamay ng mga opisyal ng pamahalaan ang kaligtasan at hinaharap ng bansa. Sila ang nagpoprotekta sa konstitusyon ng ating bansa at sinisiguradong maipapatupad ito ng maayos. Sila ang tagapagpatupad ng mga batas sa ating bansa. Ang mga taong ito ang humahatol ng hustisya sa may mga nagawang krimen at sinisigurado nila na dumadaan sa tamang proseso ang lahat at pantay-pantay ang pag trato ng lahat ng tao. Ngunit sa mga lumipas na mga buwan nababalitaan natin sa telebisyon ang tungkol sa mga taong pinapatay o tungkol sa EJK (Extra Judicial Killings.) Kung saan ang mga taong hinihinalang mga gumagamit ng droga o mga pusher ng droga ay pinapatay na lamang kahit hindi dumadaan sa tamang proseso. Kamakailan lamang ay nabalitaan natin ang pagka aresto ng dating Secretary of Justice na si Sen. Leila De Lima na ang korte ng Muntinlupa ang nag isyu ng mandamyento ng pag-aaresto niya. Sabi ng kampo ni Sen. Leila De Lima na hindi raw dumaan sa tamang proseso ang pagkadakip sa kanya, dahil marami pa itong dadaanang proseso.

Sabi ng abogado ni Sen. Leila De Lima na kahit hindi pa natingnan ng manghuhukom ang mga ebidensya ay agad na niya itong pina-aresto. Ngunit tanong ng karamihan, binigyan ba ni Sen. Leila De Lima ng tamang proseso si noong Pangulong Gloria nang siyay ipakulong nito? Marami ang nagsasabi na pinagkaitan ni De Lima si FPGMA ng tamang proseso sa pag huhukom. Kung ang mga taong may posisyon sa gobyerno ay pinagkakaitan ng tamang proseso at ng hustisya, paano na kaya ang mga ordinaryong mamamayan lamang. Noon sa Hacienda Luisita may mga magsasaka na pinapatay at dinudukot lang ng walang dahilan at hanggang ngayon walang hustisyang nakukuha, noong 2015 sa Mamasapano ay may napatay na 44 na mga SAF trooper at iilan o karamihan sa kanila ay hindi pa nakukuha ang hustisyang inaasam-asam. Ang mga biktima ng Batas Militar noon, kahit ngayon hindi nila alam kung saan na ang bangkay ng kanilang mga kamag-anak. Ito ay iilan lamang sa mga halimbawa ng mga taong pinagkaitan ng hustisya. Marami pang mga pangyayaring kagaya nito na nagaganap sa ating lipunan pero hindi lang nababalita dahil hindi mga malalaking tao ang kasali. Hustisya, madaling sabihin, ngunit mahirap gawin. Ang patay ay hindi nakasisigaw ng hustisya, ngunit ito ay tungkulin ng mga buhay na ibigay sa kanila.


 Nakakalungkot lang isipin na sa sarili nating bayan walang tamang hustisya, na ang mga kababayan natin ay ilang taon na naghihintay ng hustisya pero wala parin. Nasaan na nga ba ang hustisyang ito, bakit ba pinagkait ito sa mga tao? Siguro ipinagkakait ito dahil ang mga suspek o may gawa ay sangkot ang mga opisyal ng pamahalaan. Tayo ay Pilipino sa isip at sa gawa ngunit bakit ipinagkakait natin ang hustisya sa kapwa natin. Gobyernong kayang sikmurain o tingnan na ang mga mamamayan ay ilang dekada ng hinihintay ng hustisya pero ‘di parin binigay. Alam siguro ng mga husgado at ng mga hukom na mas meron pang masahol sa “death penalty” o sa hatol ng kamatayan, at iyan ay ang pinagkakaitan ng hustisya sa sarili mong bayan. Hiling ko sa ating gobyerno na sana darating ang araw na mabibigyan na ng hustisya ang lahat. Na sanay dadaan na sa tamang proseso ang lahat ng nasasakdal dahil karapatan nating lahat na dumaan sa tamang proseso. Kaylan nga ba matatapos ang pag agos ng dugo dito sa ating minamahal na bayan. Kahit ilan man ang masawi wala paring panalo dahil tayo din namang lahat ang talo dahil kahit ano an gating gawin dugong Pilipino pa rin ang nasa loob ng ataul na sinarado.